
---
Markang Sibol
Isang bahay ampunan.
Yan ang malinaw kong tingin noon at ngayong mahaba man ang panahong lumipas sa Sibol-Hesus School.
Sa isang bahay sa hindi ko na maalalang kalye sa QC,may green na gate at laking iilang metro lamang (na hindi ko na din sigurado kung andun pa ngayon), naroon ang isang ampunan.
Isang ampunang hindi ang tipikal na layuni'y magbigay ng matitirahan kundi magsilbing panuluyan ng mga kabataang may malawig na pananaw sa bukas.
Isang ampunang kumukupkop sa mga kabataang may paniniwalang may mas higit pa sa kung ano ang mayroon na sila.
At isang ampunang gumabay at sabay na naniwala sa mga kabataang ito na ang wastong paglinang sa mga kakayahang taglay ng bawat isa ay isang simula sa pag abot ng mga pangarap.
Isang mapusong pasasalamat at isa ako sa mapalad na nakupkop sa ampunang ito.
Isang institusyong nagbigay ng karunungang libre, mas saysay at walang limitasyon.
Libre.
Libreng paglinang sa aking kaalaman.
Iyan ang ginawa ng hindi matatawarang mga guro namin sa Sibol.
Binigyan nila ako ng pagkakataong madagdagan ang mga kaalamang nakukuha ko sa regular na klase sa paaralan.
At binigyan nila ako ng paniniwalang ang karunungang mayro'n ka'y mabuting ipinamamahagi sa iba na walang hinihintay na kapalit kundi ang pribilehiyong makatulong at kayamanang dagdag kaalaman din lamang.
May saysay.
Higit sa anupama'y di lamang pang akademya ang ang naibahagi ng school na ito sa akin kundi ilang mga aral na madadala ko sa araw araw.
Karamiha'y mga aral na humubog pang lalo sa aking pagkatao at nagpaiba sa ilan kong mga paniniwala.
Ang pangarap ay para sa lahat kahit pa ang pinakaimposible.
Pakikipagkapwatao.
Pananampalataya sa Diyos.
Ilan lamang ang mga ito mula sa napakarami.
Mga aral na makabuluhan at madadala sa paglipas ng panahon.
Walang limitasyon
Ang karununga'y walang limitasyon.
Paulit ulit ko yang natutunan sa loob ng Sibol.
Ang mga kaalamay tumitigil lamang kung ikaw mismo ang maglalagay ng pader na maghihiwalay sayong sarili at sa pagkatuto.
Na ang pagsubok sa mabuti at pagpapahalaga sa kapwa ay walang limitasyon.
Na ang pangangarap at pagpapaunlad ng sarili ay kung pa'nong ang pananalig sa Dyos ay hindi kailanman binibigyan ng limitasyon.

Sibol-Hesus,paaralang nagbabahagi ng umaapaw na kaalaman kasabay ng pagkintil sa isip ng bawat isa na ang lahat ng pagsisikap ay mawawalan ng kabuluhan kung wala sa sentro ang matibay na pananampalataya.
Sa Sibol-Hesus,sa may green na gate,t'wing Huwebes, Byernes at Sabado.
Higit isang dekada na ang lumipas.Madami na akong hindi maalala.
Isa lang ang sigurado, na lumipas man ang panahon, kasamang maiiwan ang malinaw na iminarka ng paaralang ito sampu ng aming mga guro’t kaibigan dito sa aking isipan.
Lumipas man ang panahon,maaalala ko pa din ang mga eksperyensa sa bahay na yon, t'wing Huwebes,sa may green na gate na may purong pasasalamat.
Na maalala man ako o hindi ay patuloy ko pa ding ipagmamalaki na ako ay may markang Sibol.
Nagsisipag,nagsusumikap,nagpapasalamat,nakakaalala at nananampalataya.
Sibol-Hesus School, Magsipag, magsumikap.
Bawat araw sa Sibol ay isa na namang "Pray-Play Day."
nice one raqs! hello sir jason ;')
ReplyDelete